Pinalawig pa ng Petron Corporation hanggang June 15, 2020 ang pagbibigay ng fuel subsidy para sa Department of Transportation (DOTr) Free Ride Service for Health Workers Program.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Administrative Affairs Artemio Tuazon Jr., welcome development ito sa panig ng DOTr na nagpaabot ng lubos na pasasalamat sa kagandahang loob ng Petron na nagbigay ng tulong na dapat ay nagtapos na noong katapusan ng Mayo.
Ipinagpatuloy ito ng oil company kasunod ng paglipat ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa General Community Quarantine (GCQ) simula kahapon sa Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, CALABARZON, Central Visayas, Pangasinan, Zamboanga City at Davao City.
Apat na Petron stations sa Filinvest, Alabang, Macapagal Blvd., Parañaque City, East Avenue, Quezon City at Mandaluyong City ang maaari pang kunan ng libreng gasolina.
Isa lamang ang Petron Corporation sa ilan pang oil companies na nagbigay ng suporta sa programa mula pa noong April 8, 2020.
Umaabot sa mahigit isang milyon ang kabuuan ng mga mananakay hanggang May 31, 2020 sa buong bansa ang nakinabang sa libreng sakay para sa mga Health Workers Program ng DOTr.