Subsidiya sa PUV modernization, pinadadagdagan

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa budget department na taasan ang subsidiya ng gobyerno para sa modernization program ng mga public utility vehicles (PUVs).

Sa gitna na rin ito ng pagtalakay sa 2024 budget ng Department of Transportation (DOTr) at natalakay ang tungkol sa PUV modernization program kung saan lahat ng mga jeepneys ay dapat Euro-4 na at sumusunod sa Philippine National Standards.

Ayon kay Gatchalian, lumalabas ngayon na ang compliance rate sa PUV modernization program ay nasa 60 percent lamang.


Ang halaga kasi ng bawat unit ng modernized PUV ay inaabot ng P2.4 million hanggang P2.8 million na hindi kakayanin ng isang maliit na operator at driver.

Pinuna rin ng senador na sa ilalim ng 2024 national budget, zero o walang alokasyon para sa modernisasyon, ibig sabihin, inoobliga natin ang mga drivers at operators na sumunod sa pagmodernisa ng mga jeepneys pero wala naman tayong nakalaan na suporta sa kanila sa mga susunod na taon.

Binigyang diin ni Gatchalian na dapat maging bahagi ng estratehiya ng DOTr ang pagtataas ng subsidiya para makamit ang 100 percent na modernisasyon ng mga PUVs.

Tiniyak naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na patuloy ang ahensya sa pagbibigay ng subsidiya sa lahat ng PUV drivers at operators at sa katunayan ay kasama sa hiniling nila ang P1.6 billion na pondo para sa programa sa susunod na taon.

Facebook Comments