Substitute bill para sa Department of Disaster Resilience at paglilibre sa tax ng mga donasyon, aprubado na sa komite

Aprubado na sa House Committee on Ways and Means ang substitute bill na lumilikha sa Department of Disaster Resilience (DDR) at ang probisyon na maglilibre sa pagbabayad ng buwis sa mga donasyon at tulong para sa mga biktima ng kalamidad.

 

 

Sa ilalim ng DDR tax provision,  magtatakda ng special rules kung saan ililibre na sa pagbabayad ng buwis, import duties at donor’s tax ang mga relief at iba pang donasyon mula sa international at local donations.

 

 

Ayon kay Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, layunin ng tax exemption ang mabilis at epektibong paghahatid ng tulong sa mga biktima ng kalamidad, natural o man-made disasters.


 

 

Layunin din nitong makahikayat ng maraming pribadong sektor na magbigay ng tulong at mag-invest sa disaster resilience at climate change adaptation measures para sa kanilang komunidad o negosyo na nasasakupan.

 

 

Ang Bureau of Customs naman ang bubuo ng mga rules para sa madaling proseso ng pagri-release ng mga donasyon at kagamitang kakailanganin para sa mga biktima ng kalamidad at mga winasak na lugar.

 

 

Sinabi naman ng pangunahing may-akda ng DDR na si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez na ang DDR ang magsisilbing national agency na siyang mag-cecentralize sa rehabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad.

 

 

Sa ilalim ng panukala, magtatalaga ng secretary, undersecretaries, assistant secretaries at directors ang DDR na may paunang pondo na P10 bilyon.

 

 

Mapapasailalim ng DDR ang PHIVOLCS, PAGASA, geo-hazard Assessment and Engineering Geology Section ng MGB, at Bureau of Fire Protection.

Facebook Comments