Substitute Bill para sa pansamantalang suspensyon sa excise tax sa petroleum products, target aprubahan ngayong linggo sa komite

Susubukang maaprubahan sa House Committee on Ways and Means ang “Substitute Bill” na nagsusulong ng pansamantalang suspensyon o kaltas sa “excise tax” sa mga produktong petrolyo.

Sa pagdinig ng komite, nagmosyon si Isablela Rep. Tonypet Albano na isalang sa Technical Working Group o TWG ang mga panukalang nakahain sa Kamara na siyang kinatigan naman ng mga miyembro at inaprubahan ng Committee Chairman na si Albay Rep. Joey Salceda.

Ang TWG ay bubuuin nina Rep. Sharon Garin na tatayong chairman at miyembro sina Representatives Stella Quimbo, Mark Go at iba pang mambabatas.


Ang TWG ang bubuo ng Substitute Bill at maglalatag ng report sa suspensyon o bawas sa buwis sa mga produktong petrolyo na limitado sa 6 na buwan.

Nauna nang sinabi ng liderato ng Kamara na isa sa top priority nila ang naturang panukala, na isa sa mga nakikitang paraan para matulungan ang sektor ng transportasyon na naapektuhan ng serye ng dagdag-presyo sa produktong petrolyo.

Facebook Comments