Substitution ng mga kandidato, nais ipagbawal ng isang kongresista

Target ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na tuluyang ipagbawal ang substitution ng mga kandidato bago maging pinal ang listahan para sa mga tatakbo sa halalan sa iba’t ibang posisyon.

Giit ni Rodriguez, isusulong niya ang ilang mga reporma upang matuldukan na ang aniya’y manipulasyon at “mockery” o pangungutya sa election process ng bansa.

Puna ng Cagayan de Oro solon, mula nang masimulan ang practice ng candidate switching ay marami na sa mga Pilipino ang hindi na naniniwala na ang ilang aspirants o kandidato ay seryoso at kwalipikado para sa mas mataas na posisyon.


Nakakadismaya rin aniya na sa May 2022 elections, mayroong ilang mga kandidato sa pagka-pangulo ang lumalabas na proxy lamang ng ilang personalidad gayong maaaring ikonsidera na seryoso sana silang mga presidential aspirant.

Sa panukalang isusulong ni Rodriguez, ipagbabawal ang “candidate substitution” maliban na lamang kung ang candidate-nominee ng isang political party ay nasawi o na-disqualify bago ang mismong election day.

Dagdag pa sa reporma na nais ni Rodriguez ay ibalik ang lumang kautusan kung saan oobligahin na ang mga incumbent official na magbitiw sa kasalukuyang inuupuang pwesto o ikonsiderang automatically resigned sa paghahain nito ng kandidatura para sa ibang elective post.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan ang substitution dahil wala nang babalikang pwesto ang isang kandidatong papalitan sa halalan.

Facebook Comments