Nakabitin pa ang pag-upo ni dating Commission on Election (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon sa P3PWD Party-list.
Ayon kay COMELEC Spokesman Atty. Rex Laudiangco, bubusisiin pa nila ang substitution ni Guanzon.
Hindi aniya kasi maaaring umupo sa party-list ang mga hindi nakapaghain ng Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination.
Sa kaso kasi ni Guanzon, hindi pa siya retirado sa COMELEC nung nagpasa ang November 15, 2021 deadline ng poll body sa pagtanggap ng Certificate of Withdrawal and Substitution.
Iginiit din ni Atty. Laudiangco na sa party-list nominees naman na aatras sa pag-upo sa Kongreso, hindi agad-agad nila pahihintulutan ang pag-upo ng ibang nominees.
Aniya, dadaan pa ito sa masusing imbestigasyon at hearings at aalamin pa ng COMELEC kung tama ang rason ng pag-atras ng nominees.
Kabilang aniya sa maaari lamang nilang ikunsidera ay ang problemang-pangkalusugan sa pag-atras ng isang nominado.