Umapela ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Kamara na tulungan sila na ma-i-institutionalize ang subtask group na binuo para tugisin ang agricultural smugglers sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na binuo ng ahensya ang Subtask Group on Economic Intelligence katuwang ang Department of Agriculture (DA) para habulin at papanagutin ang smugglers na nasa likod ng ipinupuslit na agricultural products.
Sinabi ni Castelo, simula noong Pebrero 2021 nang buoin ang subtask group ay nakapagsagawa sila ng 17 operasyon laban sa agricultural smugglers.
Aabot sa ₱600 million o higit pa ang halaga ng agricultural products na nakumpiska.
Magkagayunman, sa isang taon aniya nilang pag-o-operate ay wala silang sariling pondo at sapat na mga tauhan dahil isa lamang silang temporary subtask group.
Dahil dito, hiniling ni Castelo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tulungan sila para ma-i-institutionalize ang subtask group upang mas mapalakas pa ang kanilang objective na habulin at papanagutin ang agricultural smugglers.
Maging si DA Sec. William Dar ay umalma na rin sa kawalan din ng pondo ng ahensya para sa anti-smuggling efforts.
Agad namang pinagsusumite ni Committee Chairman Mark Enverga ang DTI at DA ng mga dokumento para sa personnel at budgetary requirements upang maaksyunan agad ito ng Kongreso.