Manila, Philippines – Naging matagumpay ang pagbibigay ng talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Ito ay sa kabila ng hindi inaasahang hamon na kinaharap nito sa Batasang Pambansa.
Sinalubong ang Pangulo ni Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez, na pinatalsik ng kanyang mga kapwa mambabatas at pinalitan ni dating Pangulo at Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang sigalot sa house leadership ay nagpaantala sa SONA sa loob ng isang oras at anim na minuto, na dapat nagsimula alas-kwatro ng hapon.
Nagawa ng Pangulo na basahin ng buo ang script na hindi lumilihis at tumagal lamang ng aabot sa 50 minuto.
Bago tapusin ang kanyang talumpati, nag-iwan siya ng sipiin o quote mula kay dating U.S. President Abraham Lincoln na ipinapangakong gagawin ang lahat para sa bansa hanggang sa huli sa kabila ng maraming kritisimo.