Target ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maipalabas ang sugar order para sa importasyon ng 150,000 metriko toneladang asukal ngayong Setyembre.
Ayon kay SRA acting Administrator David Alba, target nilang maipalabas ang Sugar Order No. 02 sa kalagitaan ng Setyembre upang agad itong dumating sa bansa bago ang pagbabalik operasyon ng ating sugar refineries na kadalasang nagsisimula ng kalagitanaan ng Nobyembre.
Ang hakbang ng SRA ay kasunod na rin ng rekomendasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng 150,000 metric tons ng refined sugar upang maging stable ang presyo ng asukal sa merkado.
Una nang kinumpirma sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Martes ni Executive Secretary Vic Rodriguez na napagdesisyunan ni Pangulong Marcos at ng SRA Board na hatiin ang 150,000 metric tons ng aangkating asukal kung saan 75,000 metric tons nito ay ilalaan sa industrial use habang ang natitira ay para sa home consumption.
Nabatid na aabot sa 300,000 metric tons ng asukal ang kulang na supply ngayon sa bansa dahil na rin sa pinsala ng Bagyong Odette sa sugar producer noong nakaraang taon.