Pumalag ang isang teachers’ group kasunod ng mga napaulat na umano’y “sugarcoating” ng Martial Law era sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr..
Sinabi ni Teachers Dignity Coalition (TDC) National Chairman Benjo Basas, hindi dapat pangalanan bilang “period of New Society” ang panahon ng dating dikatador.
Naniniwala rin si Basas na naging “passionate” ang gurong gumawa ng kontrobersyal na module upang ipakita ang kaniyang pagsuporta sa namayapang Marcos Sr. habang ginagawa ito.
Dagdag pa nito, hindi tama na baguhin ang mga nakalathala na sa mga history book maliban na lamang ide-debunk ito ng mga historian.
Nanawagan din si Basas sa mga kapwa guro na kahit magkakaiba ang kanilang opinyon hinggil sa Martial Law ay dapat kilalanin ang katotohanang ipinroklama ni Marcos Sr. ang bansa sa ilalim ng military rule.
Mababatid na ibinunyag ng isang senior high school student sa Marinduque State College Integrated High School ang umano’y “whitewashing” sa paaralan kung saan itinuro sa kanila ang Martial Law era bilang “Period of New Society”.