Sugatang mga pulis sa Lipa, binisita ni PNP Chief Marbil

Personal na dinalaw at kinamusta ni Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang dalawang sugatang pulis ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 4A sa N.L. Villa Hospital sa Lipa City kahapon.

Sina Police Executive Master Sgt. (PEMS) Reynaldo Red at Police Staff Sgt (PSSg) Francis Olave ay lubhang nasugatan sa kanilang pagtatangkang magsilbi ng warrant of arrest sa Sitio Kambingan, Barangay Bulsa, San Juan, Batangas.

Nabatid na pinaputukan ng suspek na si Alberto Pineda Malapitan ang mga pulis na nagresulta sa pagkasugat ng mga ito at pagkasawi ng suspek.


Si PEMS Red ay tinamaan sa bibig at nananatili ngayon sa Intensive Care Unit; habang si PSSg Olave naman ay tinamaan naman sa kaliwang hita.

Ang dalawang pulis ay ginawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting at binigyan din ng tulong pinansyal ng PNP Chief.

Ayon kay Marbil, ang ipinamalas ng dalawang pulis ay pagpapakita ng pinakamataas na sakripisyo at dedikasyon kung kaya’t nangako itong susuportahan ang mga ito hanggang sa gumaling at makalabas ng ospital.

Facebook Comments