Suhestyon na i-boycott ang mga produkto at kumpanya ng China sa Pilipinas, pinababalanse ng isang senador

Pinaghihinay-hinay ni Senator Chiz Escudero ang pamahalaan kaugnay sa naging suhestyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri na i-boycott ang mga produkto at kumpanya ng China na nasa bansa.

Ayon kay Escudero, mahalagang malaman kung sino talaga ang mas masasaktan kapag sa ganitong paraan bumawi ang bansa laban sa China.

Sinabi ng senador na ang mga proyekto sa bansa na may Chinese contractors ay inutang o kung hindi man ay aid o tulong ng China sa bansa.


Bukod dito, 33% ng ating mga inaangkat na produkto ay galing China, 1/3 ng kinukunsumo sa Pilipinas ay galing ng China at 16% ng iniluluwas na produkto ng bansa ay dinadala sa China.

Taliwas naman ito sa China na wala pang 1% ang import sa Pilipinas at wala pa sa 2% ang kanilang exports sa bansa.

Nilinaw ni Escudero na wala siyang pagtutol sa mungkahing boycott sa lahat ng Chinese made products at companies sa bansa pero mahalagang timbangin o balansehin ang magiging epekto.

Kung gagawin aniya ang mas praktikal na pagkalas bilang trading partner ng China ay dapat na matiyak na mura rin ang produkto na ating makukuha at isaalang-alang din ang mga Pilipinong posibleng mawalan ng trabaho.

Facebook Comments