Pinalagan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang suhestyon ng United Nations (UN) Special Rapporteur na buwagin na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF- ELCAC).
Sa deliberasyon sa budget ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ay kinontra ni Dela Rosa ang naturang pahayag matapos na magtanong tungkol dito si Senator Francis Tolentino nang matanong naman ni Senator Koko Pimentel kung ano ang mekanismo ng ahensya laban sa human rights violation ng NTF-ELCAC.
Naunang inihayag ni UN Special Rapporteur Ian Fry na lusawin na ng tuluyan ang anti-insurgency task force ng bansa dahil ito umano ay nag-o-operate na may impunity.
Giit ni Dela Rosa, mukhang maling impormasyon ang nakakarating sa UN Special Rapporteur dahil ang NTF-ELCAC aniya ay tungkol sa ‘good governance’ at hindi ito sangkot sa anumang armadong pakikibaka sa mga kalaban ng estado.
Dismayado si Dela Rosa at naniniwalang misinformed ang UN expert tungkol sa NTF-ELCAC at mukhang panig lang ng mga makakaliwang grupo ang napakinggan nito.
Kamakailan lang ay bumisita sa bansa si Fry para sa ilang mga pulong kasama ang iba’t ibang civil society organizations at government officials kung saan tinalakay naman ang climate change policies.