Suhestyon ng VACC sa PNP na gumamit ng kamay na bakal sa pagdedesiplina ng mga pulis, ipinagkibit balikat lamang ni PNP Chief Acorda

Nanindigan si Philippine National Police Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., na maayos niyang nadidisiplina ang mga pulis.

Ito’y kasunod narin nang sunod-sunod na insidente na kinasasangkutan ng mga pulis tulad nang pamamaril ng ilang tauhan ng Navotas City Police kay Jemboy Baltazar, pamamaril ng isang pulis sa loob mismo ng Taguig City Police Station, ang kwestyunableng drug operations sa Cavite at iba pa.

Ayon kay Acorda, hindi naman lumambot ang kanyang pagdidisiplina sa mga pulis.


Giit pa nito, malamya man siya magsalita pero matigas siya sa pagpapatupad ng kanilang polisiya at pagpapanagot ng mga pulis na napatunayang nagkasala sa batas.

Paliwanag pa ni Acorda, hindi niya style ang pagpapakita ng tapang o pagiging brusko.

Sapat na aniyang naipapatupad nang tama ang kanilang policies and guidelines.

Una nang sinabi ng PNP na 2,304 pulis ang napatawan ng parusa sa loob lamang ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Facebook Comments