Mariing tinututulan ng ilang House leaders ang planong pagbabalik sa mandatory na paggamit ng face shield bunsod ng panibagong banta sa kalusugan ng Omicron COVID-19 variant.
Giit dito ni Deputy Speaker Bernadette Herrera, ang pinakamainam na hakbang para matugunan ang banta ng Omicron ngayon at sa hinaharap ay ang striktong “border controls”.
Ang kailangan aniyang gawin para hindi makalusot ang bagong variant ay maghigpit sa mga airport, hotels at sa mga tourist transport vehicles at ituring na “high-risk closed spaces”.
Para sa mambabatas, ang planong pagbabalik sa face shield ay “overreaction” at “exaggeration” sa puntong ito dahil wala pa namang kumpirmadong local transmission ng Omicron at wala pang naitatalang kaso na may infected individual na nakapasok sa bansa.
Sakali man aniyang hindi maiwasan at nakapasok na sa bansa ang Omicron variant, hindi pa rin aniya ito dahilan para ibalik ang sapilitang paggamit ng face shield.
Bukod aniya sa wala naman itong siyentipikong patunay na epektibong proteksyon laban sa COVID-19, malaking abala at gastos lamang ang hatid ng face shield sa mamamayan.