Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sa lalong madaling panahon ay magkakaroon na ng desisyon ang gobyerno patungkol sa mga suhestyong ibalik sa Marso ang bakasyon ng mga bata.
Sa isang panayam, sinabi ng pangulo na pinag-aaralang mabuti ng gobyerno ang mga panukalang ibalik na lamang sa Marso ang bakasyon ng mga bata mula sa kasalukuyang panahon na July at August.
Ayon sa pangulo na hindi madaling bagay ang usaping ito kaya kailangan mapag-aralan nang maigi upang mabalanse.
Aniya, malaking factor dito ang pabago-bagong lagay ng panahon.
Sa katunayan ayon sa pangulo, mahirap na matantya ngayon kung kailan magsisimula ang pag-ulan at kung kailan mararamdaman ang mainit na panahon.
Isa rin aniya sa naging rason dati kung bakit nalipat ang bakasyon ng mga bata ay dahil naka-lockdown ang bansa.
Kaya ayon sa pangulo, ngayong balik na rin naman sa face-to-face classes ay gusto na rin ng ibang mga magulang na ibalik na sa dating buwan ng Marso ang bakasyon.
Dahil may naitatala na naman aniyang pagtaas ng kaso sa panahong ito at patuloy pa ring nasa state of emergency ang bansa dahil sa COVID-19, kailangan pa rin ayon sa pangulo na sumunod ang bansa sa payo ng World Health Organization kaugnay sa pagpapatupad ng national health emergency.