Tiwala ang Malacañang na walang drug manufacturer ang makagagawa ng suhol sa Pilipinas lalo na sa pagkakaroon ng bakuna laban sa COVID-19.
Ito ang reaksyon ng Palasyo sa ulat ng Washington Post kung saan ang Chinese manufacturer na Sinovac, na nag-a-apply ng COVID-19 vaccine clinical trials sa Pilipinas ay mayroong kinasasangkutang bribery case.
Sa ulat, sinuhulan ng CEO ng Sinovac ang drug regulator ng China para agad maaprubahan ang kanilang bakuna noong 2003 kasabay ng SARS outbreak.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kumpiyansa sila na ang Food and Drug Administration (FDA) ay hindi hahayaang mangyari ito sa Pilipinas.
Iginiit din ni Roque na ang tanging papayagang makapasok na bakuna sa Pilipinas ay ligtas at mabisa.
Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na sisilipin nila ang report ng Washington Post.