Sulfur dioxide mula sa Bulkang Taal, umabot na sa NCR at ilang karatig-probinsya

Umabot na sa Metro Manila at ilang karatig-probinsya ang sulfur dioxide mula sa Bulkang Taal sa Batangas.

Kinumpirma ito ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), isang araw matapos nitong linawin na human-made pollution ang dahilan ng na-obserbahang maulap na kalangitan sa Metro Manila ngayong linggo.

Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, lumabas sa bago nilang datos na bukod sa fog sa paligid ng Taal, kumalat ang sulfur dioxide gas sa iba’t ibang dako ng Luzon.


Pero aniya, ang smog sa Metro Manila ay sanhi ng temperature inversion.

Samantala, sa datos na inilabas ng PHIVOLCS kaninang umaga, umabot ng 20 kilometero ang taas ng ibinugang sulfur dioxide ng Bulkang Taal na kumalat sa Batangas at hinangin sa NCR, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan at Zambales.

Muli namang nagpaalala ang PHIVOLCS sa iwasang magtungo malapit sa bulkan dahil sa nagpapatuloy na aktibidad nito.

Nakataas pa rin sa Alert Level 2 ang Taal Volcano.

Facebook Comments