Suliranin ng taumbayan, naisasantabi dahil sa umano’y nag-uumpugang ambisyong pulitika ng mga Marcos at Duterte

Ikinadismaya ni House Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang pagsasagawa ng rally at kaliwa’t kanang mga banat sa isa’t isa ng kampo ng mga Marcos at Duterte.

Puna ni Brosas, ang mga politikong ito ay madalas na tahimik kapag nanawagan ng tulong ang mamamayan pero labis na aktibo at maingay kapag may banta sa kanilang kapangyarihan at pwesto.

Nakakalungkot para kay Brosas na dahil sa salpukan ng mga politiko ngayon ay naisasantabi ang mga importanteng isyu tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, krisis sa transportasyon, at mababang sahod ng mga manggagawa, at kumakalam na sikmura ng mga Pilipino.


Malinaw rin para kay Brosas na ang isinusulong na Charter Change ay hindi talaga para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Sa tingin ni Brosas, isinusulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Cha-cha noon para paboran umanoang mga negosyanteng Chinese at ngayon naman ay isinusulong ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para paboran umano ang mga negosyanteng Amerikano.

Facebook Comments