Deklarado na ng Sulu Provincial Task Force in Ending Local Armed Conflict (PTF-ELAC) na malaya mula sa teroristang grupong Abu Sayyaf ang Sulu.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander, Maj. Gen. Ignatius Patrimonio idineklarang Abu Sayyaf Group (ASG) free ang Sulu sa ginanap na 3rd Quarter 2023 Provincial Peace and Order Council sa Barangay Bangkal, Patikul.
Sinabi pa ni Patrimonio na bago ang nasabing deklarasyon, una nang idineklara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malaya mula sa ASG ang 52 brgy sa bansa kung saan 966 ASG personalities ang boluntaryong sumuko at nagturn over ng kanilang 599 assorted firearms sa pamahalaan.
Samantala, sinabi naman ng bagong talagang Western Mindanao Command Chief na si Maj. Gen. Steve Crespillo na magbubukas ng bagong oportunidad para sa mga taga Sulu ang deklarasyon nito bilang ASG free.
Tiniyak din ni Crespillo na magdodoble kayod ang sandatahang lakas upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong Sulu.