SUMABOG | 7-anyos na bata patay matapos sumabog ang pinaglaruang M-203 rifle grenade sa Oriental Mindoro

329

Oriental Mindoro – Patay ang isang pitong taong gulang na batang lalaki matapos na sumabog ang pinaglaruang granada sa Sitio Breeding Barangay Nasucob Bulalacao Oriental Mindoro.

Kinilala ang nasawing bata na si Glenrey Vicente Osorio, 7 anyos.

Ayon kay PNP MIMAROPA Spokesperson Superintendent Imelda Tolentino alas 12:15 ng tanghali kahapon nang mangyari ang insidente.

Batay aniya sa kwento ng ama ng biktima na si Glen Magayon Osorio, nakita niya ang kanyang anak na bitbit ang isang bakal na kinuha nito mula isang bakanteng lote at dinala malapit sa kanilang bahay para gawing laruan.

Pero pinukpok ng bata ang inakalang isang simpleng bakal na natukoy na isa palang M-203 rifle grenade kaya ito sumabog.

Naisugod pa sa Bulalacao Community Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Narekober sa pinangyarihan ng pagsabog ang fragments mula sa sumabog na granada.

Facebook Comments