SUMADSAD | Pagbabalik normal ng runway ng NAIA, matatagalan pa – MIAA

Manila, Philippines – Dahil sa ilang protocol na sinusunod ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) matatagalan pa na maibalik sa normal ang operasyon ng international runway 06/24 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ay makaraang sumadsad ang Xiamen Air flight MF8667 sa runway ng NAIA kagabi.

Ayon kay CAAP Director General Captain Jim Sydiongco ilan sa mga protocol na kanilang sinunod ay ang security dahil kaninang alas sinco ng madaling araw na lamang nila nainspeksyon ang aircraft dahil lubhang delikado kapag gabi.


May protocol din aniyang sinusunod kapag may international flights ang nag emergency landing sa ating paliparan.

Tinignan din nila ang fuel leak dahil posible aniyang magkaroon ng sunog o pagsabog kapag nagkaroon ng pagtagas ng langis ang nabalahaw na eroplano.

Dahil dito matatagalan pa o posibleng hanggang alas kwatro pa ng hapon maibalik sa normal ang operasyon ng ating runway.

Kaugnay nito nasa higit 30 international at domestic flights na ang kanselado ngayong araw at mayroon ding mga na-divert sa Clark International Airport.

Isang international runway na lamang kasi ang operational ngayon at maging ang domestic runway ay pinagagamit na rin sa ilang international flights upang mabawasan ang delayed at cancelled flights.

Samantala, humihingi naman ng paumanhin ang mga kinatawan ng Xiamen Airlines sa perwisyong idinulot ng kanilang nabalahaw na eroplano.

Tiniyak naman ng airline na nasa ligtas nang kalagayan ang 157 na pasahero ng flight MF8667 at 4 sa mga ito ang nagkaroon ng minor injuries o scratches sa katawan.

Napagkalooban na rin anila sila ng pagkain at kasalukuyang nananatili sa isang hotel malapit sa NAIA.

Facebook Comments