Manila, Philippines – Maghahain ngayong araw si Senadora Grace Poe ng resolusyon na mag-iimbestiga sa pagsadsad ng Xiamen plane sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang statement, sinabi ni Poe, Chairman ng Senate Public Services Committee na nais niyang pagpaliwanagin ang airport authorities hinggil sa naturang insidente.
Nais rin aniya niyang maliwanagan ang publiko sa operational procedures na sinusunod sa pagresponde sa mga emergency situations na ito.
Ayon kay Poe, kabilang sa iimbitahan sa magiging pagdinig sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal.
Maliban sa NAIA, tatalakayin rin sa isasagawang pagdinig ang iba pang kondisyon ng mga paliparan sa bansa at ang plano ng gobyerno sa modernisasyon ng mga ito.