
Serye ng inklusibong public consultation hinggil sa BARMM districting law nagpatuloy ngayong araw, Disyembre 8, habang tinitiyak ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na maipasa ang batas bago matapos ang buwan.
Sa naturang konsultasyon, tinalakay ang mga inihaing districting bills para sa rehiyon ng BARMM na siyang magiging batas na pagbabasehan ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa susunod na taon.
Ayon kay Member of the Parliament (MP) Atty. Naguib Sinarimbo, nararamdaman ng Parliament ang matinding suporta ng iba’t ibang komunidad sa naturang konsultasyon.
Lubos niyang pinasalamatan ang mainit at aktibong pakikilahok ng mga mamamayan na ayon sa kanya ay nagpapakita ng kagustuhan ng publiko na maging bahagi ng proseso.
Dagdag ni Sinarimbo, sinimulan ng Parliament ang mga konsultasyon noong unang linggo pa lamang ng Nobyembre upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga legislative committees na pakinggan ang iba’t ibang panig at masuri ang lahat ng rekomendasyon.
Bahagi rin ito ng legal na mandato na hatiin ang BARMM sa parliamentary districts lalo na matapos ang naging ruling ng Korte Suprema na naging dahilan upang magbago ang ilang bahagi ng teritoryo ng rehiyon.
Kamakailan lamang ay nagpasa ang Parliament ng districting law na nagre-reassign sa pitong puwestong orihinal na nakalaan para sa Sulu. Pasok na rin umano ang Cotabato City upang magkaroon ng tatlong distrito matapos nitong maabot ang minimum population requirement na 100,000.
Bago ang konsultasyon ngayong araw, hiniling na sa mga residente ng Cotabato City na magsumite ng position papers upang agad na maisama ang kanilang mga mungkahi sa pag-aaral ng komite.
Naisagawa na ang unang batch ng konsultasyon sa Tawi-Tawi noong Nobyembre 6, sinundan ng Basilan at Special Geographic Areas noong Disyembre 4, Lanao del Sur noong Disyembre 7, at ngayon, Disyembre 8, sa Cotabato City.
Sa sesyon sa Cotabato, dumalo ang iba’t ibang local officials, barangay leaders, civil society groups, at youth representatives.
Ayon kay Sinarimbo, ang nasabing partisipasyon ay simbolo ng mataas na engagement ng komunidad dahil sa dami ng gustong makibahagi sa paghubog ng final districting law.
Ipinaliwanag naman ng committee staff ang limang districting bills na nasa Parliament ngayon, kasama na ang iba’t ibang paraan ng paghati sa tatlong distrito ng Cotabato City batay sa populasyon at lokasyon nito.
Marami na rin umanong mga position papers mula sa iba’t ibang probinsya ang natanggap ng komite at kasalukuyan na itong pinag-iisa para sa susunod na deliberasyon.
Inanunsyo rin ni Sinarimbo na may karagdagang konsultasyon sa Maguindanao del Sur sa Disyembre 10 at Maguindanao del Norte sa Disyembre 12.
Target ng Parliament na matapos ang lahat ng public consultations sa Disyembre 12 upang makapaghanda ang Joint Committees on Rules and Local Government ng kanilang final report para sa plenaryo.
Aminado ang MP na mas mataas ang interes ng publiko ngayong taon kumpara sa mga nakaraang konsultasyon. Sa Cotabato City pa lamang ay nasa 262 katao ang dumalo na siyang malayo sa karaniwang turnout noong mga nakaraang taon.
Dahil sabay na ginagawa ang districting consultations at pagdinig sa proposed 2026 regional budget, sinisikap umano ng komite na maging mas mabilis ang proseso upang hindi maantala ang budget legislation.
Sa open forum, nagpaalala naman ang Institute for Autonomy and Governance (IAG) at Independent Election Monitoring Center (IEMC) na dapat siguraduhin ng Parliament na tugma ang districting law sa ruling ng Korte Suprema upang maiwasan ang mga legal na isyu at matiyak na hindi maaantala ang 2026 BARMM elections.
Umapela rin ang ilang stakeholders na ituloy ang nakatakdang halalan na naaayon sa oras at muling buksan ang filing of candidacies kapag naipasa na ang districting law. Inirekomenda rin nila ang pag-review ng rules para sa sectoral representation.
Sa pagtatapos ng sesyon, binigyang-diin ni Sinarimbo na ang malawak na pakikilahok ng publiko ang susi upang makabuo ng districting law na patas at epektibong nakaalinsunod sa Konstitusyon at mga pambansang batas.









