Sumalo sa estudyante na tumalon sa 5th floor ng paaralan sa Dagupan City, itinuturing na bayani

25342

Dagupan City – Itinuturing ngayong bayani ang isang criminology student na di nag-atubiling saluhin ang babaeng estudyanteng tumalon sa ika-5 palapag ng kanilang unibersidad nitong nakaraang linggo. Kinilala ang nasabing batang bayani na si Mart Stephen Navarro, 20 taong gulang at residente ng Barangay Ambuetel, Calasiao Pangasinan na umaani ngayon ng kaliwa’t kanang papuri dahil sa ginawa nitong pagtulong kahit pa alam nitong maaaring malagay din ang kanyang buhay sa alanganin.

Sa panayam ng iFM Dagupan kay Navarro, sinabi nitong ginawa lamang niya umano ang kaniyang dapat gawin sa mga oras na iyon upang makatulong. Hindi umano ito nagdalawang isip na tulungan ang nasabing babaeng estudyante dahil buhay na ang pinag-uusapan sa oras na iyon.


Nagpaabot naman ito ng mensahe sa kaniyang tinulungan na mag-ingat palagi at manalig sa Maykapal. Nagpapasalamat din ito sa mga taong tumulong sa kanila ng babaeng sinagip nito upang madala silang pareho sa ospital. Nasa stable ng kondisyon ang nasabing babaeng senior high student at humiling ang pamilya nitong bigyan sila ng privacy sa dinaranas ngayon ng kanilang kaanak.

Samantala patuloy na nagpapagaling si Navarro na isang 1st year college student sa nasabing unibersidad at nagsisilbing sakristan sa isang simbahan sa Brgy. Dinalaoan Calasiao Pangasinan.

Mula sa iFM Dagupan isa kang tunay na IDOL!

Facebook Comments

From Advertisers