
Nakatakdang isagawa sa September 15 ang summary hearing kaugnay ng inihaing petisyon para sa writ of amparo ng kampo ni dating Bulacan 1st district Assistant Engineer Brice Hernandez.
Ito’y matapos makapag-sumite ng tugon ang Senado sa Pasay RTC branch 112 bago ang itinakdang 72–oras para sa hirit ni Hernandez.
Sa inilabas na kautusan ni Geoffrey Llarena ng Pasay RTC, hiniling nila sa Senado na magbigay ng detalyadong tugon at ipaliwanag na hindi nalabag ang mga karapatan ni Hernandez.
Pinasasaad din ng korte ang mga ginawang hakbang ng Senado para matiyak ang constitutional rights ni Hernandez.
Matatandaang naghain noong Huwebes, September 11, ng protective order sa Pasay RTC ang kampo ni Hernandez na ngayon ay kasalukuyang nakapiit sa Pasay City Jail matapos makatanggap ng serious threat dahil sa isiniwalat nitong matataas na opisyal ng gobyerno na sangkot sa anomalya ng flood control project ng pamahalaan.









