Binuksan na ngayong araw ang summer coconut festival sa Agribusiness Development Center (ADC) ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol ito ay inisyatiba ng DA at PCA bilang suporta sa local coconut farmers para makapagsimula ng marketing initiative upang matugunan ang problema sa oversupply ng niyog at bagsak na presyo.
Ang Coco festival ay nabuo kasunod ng direktiba ng kalihim na naghimok sa mga tanggapan at ahensiya sa ilalim ng DA na isilbi ang coconut water kasama ang ibang fruit juices kapag may meetings at iba pang DA-sponsored events sa buong bansa.
Bukod dito, bukas na rin ang “Coco-Buko tienda’ sa harap ng ADC Showroom para magkaroon ng pagkakataon na makabili ang Metro Manila consumers ng sariwang buko at iba pang coconut products mula sa CALABARZON Region.
Kasabay nito ang coconut-inspired exhibit na ide-display sa DA Central Office at PCA lobby.
Sa Marso 21 naman ilulunsad sa mga regional offices ng DA ang kani-kanilang Coconut Marketing Areas para sa kanilang “Go Loco with Buko” Marketing program.
Ito ay para sa lahat ng government agencies lalo nasa Local Government Units, Department of Health (DH), Department of Education (Deped) at Commission on Higher Education bilang suporta sa adbokasiya kaugnay sa presidential declaration na nagproklama sa coconut water bilang national drink.