Manila, Philippines – Umakyat na sa 7,194 na mga miyembro ng New Peoples Army at kanilang mga supporters ang sumuko sa Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo – ang bilang na ito ay naitala mula buwan ng Enero hanggang ngayong buwan ng taong kasalukuyan.
Pinakuling naitala ang tatlong NPA na sumuko sa Joint Task Force National Capital Region na iprinisenta kahapon sa media sa Camp Aguinaldo.
Sa bilang na ito ng mga sumuko, kabuuang 628 mga baril ang kasabay na isinuko ng mga dating rebelde.
Naniniwala si Arevalo na ang sunod-sunod na pagsuko ng mga rebelde ay senyales na nagiging epektibo ang panawagan ng pamahalaan dahil na rin sa pangako sa mga ito na bibigyan ng kabuhayan kung ibaba ang kanilang mga armas.
Matatandaang ilang daang mga rebel returnees na rin sa Mindanao ang nakapag tour sa Metro Manila at nakasamang maghapunan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang matapos na magdesisyong sumuko na sa pamahalaan.