Walang criminal record ang sumukong gunman na si Joel Escorial sa pagpaslang sa beteranong mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang “Percy Lapid” na pinatay habang pauwi sa kaniyang bahay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City noong October 3.
Ito ay kinumpirma ni Police Col. Restituto Arcangel, District Director for Operations ng Southern Police District (SPD) at commander at tagapagsalita ng Special Investigation Task Group (SITG) na tumututok sa kaso ng pagpaslang kay Lapid.
Sa isang panayam, sinabi ni Arcangel na patuloy ang isinasagawang background check ng mga awtoridad sa self-confessed gunman.
Ngunit inihayag ni Arcangel na umamin si Escorial na sangkot siya sa iba pang “hit jobs”, pero kailangan pa aniya itong kumpirmahin.
Dagdag pa ni Arcangel, unang sumuko si Escorial sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Oktubre 16 at itinurn-over sa SITG kinabukasan.
Samantala, kaninang umaga ay personal na nagtungo ang kapatid ni Percy na si Roy Mabasa sa Department of Justice (DOJ) upang pormal na pagtibayin at pirmahan ang isinampang kasong murder ng SPD laban kay Joel Escorial at tatlong kasamahan nito na sina Israel Dimaculangan, Edmund Dimaculangan at isang alyas “Orly”.