Sumukong Lider ng NPA, Inamin ang tangkang pagpapasabog sa Planta ng Bio-Ethanol

1464

*Cauayan City, Isabela*- Personal na inamin ni Alyas Marlboro na isa siya sa mga nagplano kung paano pasukin at pasabugin ang pinakamalaking planta ng pagawaan ng Bio-Ethanol sa bansa.

Una rito, iprinisenta ng kasundaluhan ang binansagang ‘Kumander Marlboro’ at ilang matataas na kalibre ng armas at mga bala sa isinagawang Press Conference kanina na inorganisa ng 95th Infantry Batallon.


Ayon sa kanya, buwan ng Pebrero ang nakatakda sanang lusubin ng NPA ang Bio-Ethanol Plant sa San Mariano,Isabela dahil sa ilang reklamo ang kanilang natatanggap kaugnay sa umano’y pananamantala ng naturang kumpanya sa mga mamamayan ng San Mariano gaya ng di makatwiran na pagbungkal sa mga lupain ng mga magsasaka.

Dagdag pa nito na halos dalawang araw na silang nakadeploy at nakapaligid sa planta at nag aantay na lamang ng hudyat upang isakatuparan ang naturang plano at nakatanggap lang umano sila ng pabatid na may paparating sa kanilang pinagtataguan na mga tropa ng mga sundalo mula sa 95th Infantry Batallion kung kaya’t unti-unti na umano silang umatras upang hindi mapalaban sa tropa ng kasundaluhan.

Hindi naman direktang masagot ng binansagang‘Kumander Marlboro’ kung nagbigay nga ang naturang kumpanya sa kanilang grupo ng tinatawag na revolutionary tax dahil ang mga matataas na opisyal umano ng NPA ang tanging nakakaalam dito.

Magugunita na noong Pebrero ng taong kasalukuyan ng mapigilan ng mga awtoridad ang balak ng mga makakaliwang grupo hinggil sa tangkang paglusob sa itinuturing na pinakamalaking planta ng Bio-Ethanol sa bansa na ang pangunahing sangkap ay ang mga tubo upang makagawa ng alcohol na siyang ihahalo sa mga produktong petrolyo upang hindi masyadong makasira sa kalikasan ang mga usok na ibinibuga mula sa mga sasakyan.

Facebook Comments

From Advertisers