Natimbog sa mismong kaarawan ngayong araw, Hulyo, 15, 2020 ang isang aktibong kasapi ng 503rd Infantry Brigade ng 5th ID, Philippine Army sa isinagawang drug buybust operation ng PNP Reina Mercedes partikular sa sementeryo ng barangay Tallungan sa naturang bayan.
Nakilala ang suspek na si SSgt Joseph Donato, tubong Centro East, Palanan, Isabela at naka-assign sa medical company ng 503rd Infantry Brigade na nakahimpil sa Tabuk City, Kalinga.
Sa eksklusibong pagsama ng 98.5 iFM Cauayan news team, nakuha sa loob ng sasakyan ang tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu, sampung (10) bala ng armalite, mga drug paraphernalia, mga ID at papeles.
Narekober din sa kanyang pag-iingat ang Php500.00 na ginamit bilang buybust money ng isang poseur buyer o nagpanggap na bumili.
Base sa kwento ng sundalo, umuwi ito sa kanyang tahanan sa Guibang, Gamu, Isabela mula sa kanilang headquarters upang dalawin ang nag-iisang anak.
Nagparamdam umano kagabi ang kanyang kaibigan na mayroon itong ireregalo dahil sa kanyang kaarawan hanggang sa napagkasunduang magkita sa national highway partikular sa talipapa ng Reina Mercedes.
Nang sila ay magkita ay nagtungo ang dalawa sa sementeryo upang bisitahin umano ang puntod ng kamag-anak ng kaibigan.
Habang sila ay nasa loob ng sasakyan ay naglabas umano ang kaibigan ng mga drug paraphernalia at isang sachet ng shabu hanggang sa dumating ang mga pulis na nagresulta sa kanyang pagkakahuli.
Sa pakikipanayam ng 98.5 iFM Cauayan sa suspek, umamin ito na katatapos lamang nitong gumamit ng shabu subalit kanyang iginiit na ang mga narekober na sachet ng shabu ay pagmamay-ari ng nakatakas na kaibigan.
Nabatid na malapit nang magretiro ang suspek matapos ang mahigit 24 taon na serbisyo sa pagiging sundalo.