Sugatan ang isang sundalo at isang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos na pasabugin ng New Peoples Army (NPA) ang landmine sa Brgy. Pelaon, Pinabacdao, Samar, kahapon ng umaga.
Kinilala ni 8th Infantry Division Spokesperson Capt. Ryan Layug ang mga sugatan na si SSg. Alan S. Albuera ng Philippine Army, at CAA Rolando S. Abainza Jr., na tinamaan ng shrapnel sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Aniya, patungo ang dalawa sa site ng itatayong bagong detachment na hiling ng Local Government Unit (LGU) nang mangyari ang insidente.
Naisugod naman ang dalawa sa ospital at ngayon ay patuloy na ginagamot.
Kinondena naman ni Pinabacdao Mayor Teodorico Mabag ang insidente, kasabay ng pagsabi na ang pagtatanim ng NPA ng mga landmine sa lugar, ay nagdudulot ng panganib sa mamayan.
Ayon naman kay 8ID Commander Maj. Gen. Edgardo de Leon, ang patuloy na paggawa, pag-iimbak at paggamit ng mga landmine ng NPA ay hayagang hindi pagrespeto sa UN Convention na nagbabawal sa mga landmine sa buong daigdig.