Sundalo na Nadakip sa Buybust, Sasampahan ng 2 Kaso

Cauayan City, Isabela- Mahaharap sa dalawang kaso ang isang aktibong sundalo na nahuli sa drug buybust operation ng PNP Reina Mercedes sa Lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Christopher Danao, hepe ng pulisya, kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang nakatakdang isampa kay SSg Joseph Donato, tubong Centro East, Palanan, Isabela na naka-assign sa medical company ng 503rd Infantry Brigade na nakahimpil sa Tabuk City, Kalinga.

Base din sa kanilang imbestigasyon, walang koneksyon sa ibang tao ang nasabing suspek na nakatakda sanang magretiro matapos ang 24 na taong serbisyo sa pagiging sundalo.


Magugunitang tuluyang hinuli si SSg Donato matapos magpositibo sa inilatag na buybust ng mga otoridad partikular sa sementeryo sa barangay Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Nakuha sa loob ng sasakyan ang tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu, sampung (10) bala ng armalite, mga drug paraphernalia, mga ID at papeles.

Narekober din sa kanyang pag-iingat ang Php500.00 na ginamit bilang buybust money ng isang poseur buyer o nagpanggap na bumili.

Una nang iginiit ni SSg na niyaya lamang siya ng kanyang kaibigan na magkita sa bayan ng Reina Mercedes dahil mayroon umanong ibibigay na regalo ang kaibigan nito na pinangalang si ‘Cyprus Dela Cruz’ ngunit nagulat na lamang aniya ito nang sila’y magkita sa sementeryo dahil naglabas na ng shabu at drug paraphernalia ang kaibigan.

Sa eksklusibong pagtutok ng 98.5 iFM Cauayan News Team, kasama sa mga nakumpiskang sachet ng hinihinalang shabu ay ang isang bukas na sachet na sinasabing kagagamit lang.

Umamin din ang naturang suspek na dati itong gumagamit ng droga.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ang resulta ng drug test ng nasabing suspek.

Facebook Comments