Sundalo na Nakabangga ng 3 Babae-Patay, Kakasuhan ngayong araw!

1728

Cauayan City, Isabela- Sasampahan na ngayong araw ng kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) in Multiple Homicide and Damage to Property ang isang sundalo na nakabangga sa tatlong babae na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Brgy.Payac, Jones, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj Jerry Valdez, hepe ng PNP Jones, nasa kustodiya pa rin nila ang suspek na si Corporal Sonny Boy Matias, 29 anyos, may-asawa, miyembro ng 86th Infantry Battalion na nakahimpil sa bayan ng Jones at residente ng Brgy. Magassi, Cabagan, Isabela.


Lumabas sa pagsusuri ng duktor na positibo sa nakalalasing na inumin ang suspek nang ito ay magmaneho.

Magugunita na noong Nov. 23, 2019 ng hapon ay nagka head-on collision ang pick-up na minamaneho ng suspek sa motorsiklo na lulan ng mga biktima na sina Angel E. Bolusan, Evangelyn F. Salvador, at Ann Claire Marie A. Camarao.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake ang sasakyan sa sinusundang behikulo at habang nasa kabilang linya ito ay nasalpok nito ang kasalubong na motorsiklo na dahilan ng pagkamatay ng tatlong mga biktima.

Dagdag pa ni PMaj Valdez, posible umano na manonood sa palarong basketball sa bayan ng Jones ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Facebook Comments