Sundalo na Namaril sa Lalaking di Makabayad ng Utang, Nakasuhan na

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong murder at frustrated murder ng Tabuk City Police Station ang isang pulis na namaril sa dalawang empleyado ng Provincial Government ng Kalinga kamakailan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Col. Santiago Enginco, pinuno ng 503rd Infantry Brigade, nasa pangangalaga ng Tabuk City Police Station ang suspek na si Corporal Denmark Baddongon, 33 taong gulang na kasapi ng 503rd IB at hinihintay na lamang ang kanyang Commitment order para maipasakamay sa BJMP.

Ayon kay Col. Enginco, batay sa imbestigasyon ng pulisya, sumugod ang suspek sa bahay ng nasawing biktima sa Barangay Bulanao na kinilalang si Denver Tubban, 40 taong gulang, empleyado ng Kalinga Provincial Government upang singilin ng P2,000 para sa kanyang utang.


Nag-ugat ang pamamaril matapos mabigong maibigay ng biktima ang dalawang libong sinisingil ng suspek na kung saan ay nadamay rin sa insidente ang kasama ng biktima na si Jenner Ewad, 34 taong gulang na empleyado rin ng provincial government.

Nagtamo ng anim (6) na tama ng bala ng baril sa katawan si Tubban na sanhi ng kanyang pagkamatay habang dalawang (2) tama ng bala naman sa likod ni Ewad.

Nagawa pang tumakas ng suspek subalit kalaunan ay sumuko rin sa mga kasamang sundalo.

Ayon pa sa pinuno, kasalukuyan pa ang imbestigasyon sa kaso ni Baddongon para sa iba pa nitong pwedeng kaharaping kaso gaya ng administrative case.

Kanyang sinabi na hindi nito kukunsintihin at may kalalagyan ang sinumang tropa na masasangkot sa anumang illegal na gawain o hindi kaaya-ayang bagay na maaaring ikasisira ng hanay ng kasundaluhan.

Facebook Comments