Sundalo na Tumulong sa Bagong Panganak na Sanggol, Pinarangalan ng Philippine Army

Cauayan City, Isabela- Ginawaran ng Philippine Army bilang “Inspiring Women of the Year” si 2Lt Roselle Dael ng 95th Infantry Battalion dahil sa hindi matatawarang pagtulong nito sa bagong panganak na sanggol ng isang katutubo.

Matatandaan na isang pamilya ng katutubong Agta na kamag-anak ng dating rebelde ang lumapit sa 95th IB na nakabase sa bayan ng San Mariano upang magpatulong dahil sa kanyang nakatakdang panganganak.

Hindi nag-atubili ang kasundaluhan na tulungan ang buntis na katutubo kaya’t dinala sa isang ospital sa naturang bayan para sa kanyang ligtas na panganganak sa pangunguna ni 2Lt Dael na dating CMO Officer ng 95th IB.


Sa hindi inaasahang kalagayan, walang lumalabas na gatas mula sa nanay ng sanggol na nagdulot ng pagkagutom at tuloy-tuloy na pag-iyak ng bata.

Dito na nagboluntaryo si 2Lt Dael na isa rin bagong panganak na painumin ng gatas ang sanggol mula sa kanyang katawan.

Ikinagagalak naman ni 2Lt Dael ang natanggap na parangal na sana’y magsilbi aniya itong inspirasyon para sa ibang sundalo.

Kanyang sinabi na ang pagtulong ay dapat bukal sa puso at wala din pinipiling lahi kaya’t sana’y mabigyan din aniya ng halaga at pansin ang mga katutubo.

Facebook Comments