Nagpaabot na ng pakikiramay ang liderato ng Philippine Army sa naulila ng mga biktima sa insidente ng pamamaril na kinasasangkutan ng isang sundalo sa loob mismo ng 5th Infantry Division, Camp Melchor Dela Cruz, Upi Gamu, Isabela kahapon.
Napatay ng isang sundalong may ranggong sergeant ang kanyang sariling asawa, biyenan, at driver.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na bandang alas-2:00 ng hapon nang maganap ang insidente kung saan habang nasa loob ng kampo ang isang sasakyan ay bigla na lang umanong nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga sundalo.
Agad itong nirespondehan at habang papalapit sa naturang sasakyan ay nakita ang supek na may hawak na baril kaya agad inaresto at pinosasan.
Samantala, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 9mm issued firearm ng suspek na ginamit sa pamamaril.
Nasa kustodiya na ng PNP ang suspek para sa kaukulang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaril.