Sundalo-Patay, 1 Sugatan sa Sagupaan ng 50th IB at NPA sa Mt. Province; Hot Pursuit Operation, Patuloy!

173

UPDATE: Cauayan City, Isabela- Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng tropa ng 50th Infantry Battalion sa ilalim ng 503rd Infantry Brigade ng 5th Infantry ‘Star’ Division, PA matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at mga kasapi ng Communist New People’s Army Terrorist (CNTs) pasado alas onse ng umaga kahapon sa Brgy. Aguid, Sagada, Mountain Province.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Brigadier General Henry Doyaoen, Commanding General ng 503rd Infantry Brigade, nag-ugat ang engkwentro nang respondehan ng kasundaluhan ang natanggap na sumbong mula sa mamamayan kaugnay sa presensya ng mga NPA sa kanilang lugar.

Sa pagtungo ng militar sa lugar ay nakarekober ng ilang landmines na itinanim ng mga rebelde at dito na rin gumalaw ang hindi pa mabatid na bilang ng mga NPA na nagresulta sa kanilang bakbakan.

Nasawi sa engkwentro si Corporal Jordan Manawa mula sa Pinukpuk, Kalinga habang sugatan naman si Private First Class Melvin Ngodes.

Dagdag pa ni BGen Doyaoen, kasalukuyan pa rin sa ngayon ang kanilang hot pursuit operation laban sa mga nakasagupang NPA at pagbibigay seguridad sa mga residente sa pinangyarihan ng engkwentro.

Facebook Comments