SUNDALO, SUGATAN SA ENGKWENTRO NG MILITAR AT NPA SA ABRA

Cauayan City – Isang sundalo mula sa 77th Infantry Battalion ang nasugatan matapos ang sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng Bucay, Abra.

Ayon sa ulat ng 501st Infantry (Valiant) Brigade, naganap ang engkwentro nang matuklasan ng mga sundalo ang isang kuta ng New People’s Army (NPA) at makasagupa ang mga miyembro ng Regional Guerrilla Unit (RGU) sa ilalim ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) sa Sitio Tacdangan.

Tumagal ng humigit-kumulang tatlong minuto ang palitan ng putok bago umatras ang mga rebelde.

Isa sa mga sundalo ang nasugatan sa nasabing engkwentro at agad na sinaklolohan sa pamamagitan ng air evacuation ng Philippine Air Force patungo sa Abra Provincial Hospital para sa paunang lunas. Kalaunan, inilipat siya sa Mariano Marcos Memorial Hospital sa Batac City, Ilocos Norte para sa karagdagang gamutan.

Sa isinagawang follow-up operations, nakarekober ang militar ng ilang personal na gamit at suplay ng pagkain na pinaniniwalaang iniwan ng mga tumakas na rebelde.

Samantala, nanawagan si Brigadier General Dean Mark Mamaril, commander ng 501st Infantry Brigade, sa natitirang miyembro ng RGU-ICRC na sumuko na at samantalahin ang mga programa ng pamahalaan para sa kapayapaan, reintegrasyon, at amnestiya upang makapagsimula ng bagong buhay.

Facebook Comments