
Sugatan ang isang sundalo sa isa sa mga engkwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro kahapon.
Nakaengkwentro ng mga tropa ng 76th Infantry, 1st Infantry ,59th Infantry Battalion, at 5th Scout Ranger Battalion ang mga natitirang myembro ng Komiteng Larangang Gerilya–Island Committee Mindoro (KLG-ICM) sa ilalim ng Southern Tagalog Regional Party Committee sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao na nagresulta sa 3 matagumpay na engkwentro ng militar buong maghapon.
Kaugnay nito, biniberipika pa kung may nasawi o nasugatan sa panig naman ng nasabing mga rebelde.
Ayon kay 2nd Infantry Division Spokesperson at Division Public Affairs Office Chief Colonel Michael Aquino, nangyari ang nasabing engkwentro sa kabila ng naunang deklarasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) na pansamantalang tigil putukan para sa holiday season.
Ayon sa kanya, nagpapakita lang ito na kahit na meron nang deklarasyon ay nananatiling aktibo at nagdadala ng banta pa rin sa komunidad ang mga nasabing armadong rebelde.
Patuloy naman ang isinasagawang security operations sa lugar para mapigilan ang pangpapangkat ng mga rebelde at masiguro ang kaligtasan ng komunidad.
Hinimok naman ni Aquino ang mga sibilyan na manatiling alerto at agad na i-report ang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad.










