Kinumpirma ng Philippine Military Academy (PMA) na nakararanas ng health problem ang sundalong nag-amok sa loob ng akademya kahapon sa Fort del Pilar sa Baguio City na ikinamatay ng isang sundalo at pagkasugat ng isa pa.
Ayon kay PMA Spokesperson Captain Cherryl Tindog, ang mga sundalong katulad ng ibang indibidwal ay nakararanas din ng matinding struggle sa buhay na nagreresulta sa mental health problem.
Kaya naman mas committed ang PMA ngayon sa pagtutok sa mental health hindi lamang ng mga kadete maging sa mga military personnel.
Sinabi ni Tindog, magpapatuloy ang pagbibigay ng psycho-social intervention para matukoy ang mga tauhan at kadete ng PMA na nakararanas ng mental health problems.
Pero para sa PMA, isolated case lamang ang nangyaring pag-aamok kahapon ni Airman Second Class Christopher Lim na ikinamatay ni Staff Seargent Jeofrey Turqueza at pagkasugat ni Staff Seargent Vivencio Raton.
Sinabi ni Tindog, na gumagawa na ng mga kailangan solusyon ang PMA para hindi na maulit ang insidente.