Sinimulan kahapon, Enero 12, ang sunod-sunod na anti-rabies vaccination sa iba’t ibang barangay sa Alaminos City bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan para sa kalusugan at kaligtasan ng mga alagang hayop at ng mga residente.
Ayon sa City Veterinary Office, ang house-to-house vaccination ay isinasagawa batay sa itinakdang iskedyul hanggang Enero 16, 2026, upang mas maraming alagang hayop ang mabigyan ng libreng bakuna laban sa rabies.
Itinakda rin ang ilang requirements para sa mga alagang hayop na maaaring mabakunahan, kabilang ang mga may edad na hindi bababa sa tatlong buwan, walang kasaysayan ng pagkakagat sa loob ng nakalipas na dalawang linggo, at malulusog at walang anumang nakahahawang sakit.
Pinaalalahanan rin ng tanggapan ang mga residente na ihanda ang kanilang mga alaga sa susunod pang mga petsa ng pagbabakuna upang matiyak ang maayos at mabilis na proseso.










