Sunod-sunod na bomb threat, walang kaugnayan sa pagkakapatay sa utak ng MSU bombing

Tahasang pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) na ang sanhi ng sunod-sunod na bomb threat ay dahil sa pagkaka- neutralisa ng tropa ng militar sa Amir ng Dawlah Islamiyah – Maute Group na si Khadafi Mimbesa, alyas “Engineer,” ang sinasabing mastermind sa pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi City noong December 3, 2023.

Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, negatibo mula sa bomb threat ang iba’t ibang government agencies at ilang paaralan matapos itong masusing suriin ng mga awtoridad.

Aniya, agad na pinauwi ang mga estudyante maging ang mga empleyado kahit pa negatibo mula sa bomb threat bilang precautionary measure.


Nabatid na mula kay Takahiro Karasawa na isa umanong Japanese lawyer ang bomb threat kung saan sinasabi nitong may itinanim siyang bomba sa ilang gusali sa iba’t ibang parte ng bansa.

Si Karasawa ang nagpakalat din ng kaparehong hoax bomb threat noong September at October 2023.

Partikular na nakatanggap ng bomb threat ang ilang government agencies tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Fire Protection (BFP) Central Office sa QC.

Gayundin ang ilang government agencies at paaralan sa Bataan, Subic Zambales at Cebu City.

Kasunod nito, sinabi ni Fajardo na hindi nagpapakampante ang pulisya bagkus pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag at vigilante.

Facebook Comments