Nasamsam ng mga awtoridad ang kabuuang tinatayang 5.54 gramo ng hinihinalang shabu sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan mula March 19 hanggang madaling araw ng March 20, 2026.
Unang naaresto ang isang 28 anyos na lalaking tindero ng tokwa sa San Fabian kung saan narekober ang 0.2 gramo ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 revolver na may dalawang bala, kasama ang marked money at iba pang ebidensya.
Nasakote naman sa Urbiztondo ang isang 26 anyos na lalaki matapos makuhanan ng 1 gramo ng hinihinalang shabu. Narekober din ang isang motorsiklo, lighter, at buy-bust money.
Sa Binalonan, isang 42 anyos na tricycle driver ang naaresto kung saan nasamsam ang 0.8 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, tricycle, at cellphone.
Samantala, sa San Quintin, isang 41 anyos na lalaki mula Nueva Ecija ang nahuli sa operasyon at nakumpiska mula sa kanya ang 1.87 gramo ng hinihinalang shabu, kasama ang motorsiklo, cellphone, at iba pang kagamitan.
Sa Santa Barbara, isang 50 anyos na tricycle driver ang naaresto matapos makuhanan ng 0.60 gramo ng hinihinalang shabu at iba pang personal na gamit.
Sinundan ito ng pagkakaaresto sa isang 28 anyos na driver sa Asingan kung saan nasamsam ang 0.4 gramo ng hinihinalang shabu, kasama ang motorsiklo, cellphone, at drug paraphernalia.
Sa Malasiqui, isang 31 anyos na mekaniko ang naaresto at narekober mula sa kanya ang 0.47 gramo ng hinihinalang shabu at motorsiklo.
Pinakahuling naaresto ang isang 39 anyos na lalaki sa Alcala kung saan nasamsam ang 0.20 gramo ng hinihinalang shabu at buy-bust money.
Patuloy naman ang pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









