Nakapagtala ng magkakahiwalay na insidente ng pagguho ng lupa kahapon sa mga kakalsadahan sa bahagi ng Barangay Malico at Sta. Maria East, San Nicolas dahil sa diretsong pagbuhos ng ulan na dulot pa rin ng Bagyong Nando.
Madalas magkaroon ng landslide sa naturang bahagi tuwing umuulan dahil sa paglambot ng lupa sa kabundukan na dumadausdos sa kalsada.
Bahagi pa rin ng Villa Verde Trail ang gumuhong bahagi na nagdurugtong sa mga lalawigan ng Pangasinan at Nueva Vizcaya.
Noong Lunes, nag-abiso na ang kapulisan at MDRRMO sa bayan ukol sa pagsasara ng Villa Verde Road dahil sa ilang insidente at banta ng landslide.
Inabisuhan na rin ng mga tanggapan ang mga motorista na maaaring tahakin ang Umingan-Lupao Road bilang alternatibong ruta.
Samantala, agad din naman nalinis ang tipak ng lupa na gumuho dahil sa ikinasang clearing operation ngunit wala pa rin bagong abiso sa posibleng pagbubukas ng daan sa mga motorista.
Kaugnay nito, nauna nang inihayag ng San Nicolas MDRRMO ang pinaigting na koordinasyon sa mga personnel sa Sta Fe, Nueva Vizcaya dahil sa lokasyon ng Villa Verde na nasa pagitan ng dalawang lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments









