Dagdag kalbaryo ngayon sa mga drayber ng mga sasakyan at motorista ang muling pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado sa ikalimang sunod na linggo ngayong taon.
Sa unang linggo ng buwan ng Pebrero ay umabot sa 0.70 hanggang 0.80 ang dumagdag sa kada litro ng diesel at gasolina.
Iginiit ng Department of Energy na ang pagtaas ng presyo nito ay dahil sa nagkaroon ng kakulangan ng suplay at sa naging pagtaas ng kaso ng Omicron Variant kaya’t naging limitado ang pag-angkat.
Pahirap naman ngayon ang muling pagtaas ng presyo ng petrolyo ng AUTOPRO Pangasinan kasabay naman ng hindi pa rin pag-apruba sa petisyong at panukalang taas-presyo naman ng pamasahe sa pampublikong sasakyan.
Iginiit ni AUTOPRO Pangasinan President Bernard Tuliao, na hindi pa umano maaprubahan ng pamunuan ng LTFRB ang kanilang hiling na taas pasahe dahil sa pandemya ngunit daing nito na masyado na umanong pahirap sa mga transport sector ang sunod-sunod na taas presyo ng petrolyo at limitadong biyahe.
Ayon naman sa pamunuan ng LTFRB Region 1 sa pangunguna ni LTFRB Region 1 Director Nasrudin Talipasan, na hanggang sa ngayon ay nasa Central Office pa ang petisyon at kanila ring hinihintay ang pag-apruba nito at kinakailangan rin ng public hearing kung sakaling tatalakayin na ang petisyon ng transport sectors.
Hinimok naman ng dalawang ahensiya ang publiko na sila ang manguna sa pagreport ng mga mapagsamantalang mga drayber na na naniningil ng sobra kahit na wala pang aprubadong taas pasahe. | ifmnews