Tuesday, February 10, 2026

SUNOD-SUNOD NA OWP, ARESTADO SA IBA’T IBANG BAYAN SA PANGASINAN

Matagumpay na naaresto ng iba’t ibang Municipal Police Stations (MPS) sa lalawigan ng Pangasinan ang apat na Other Wanted Persons (OWP) sa magkakahiwalay na operasyon mula February 9 hanggang madaling-araw ng February 10, 2026.

Inaresto ng Malasiqui MPS ang isang 47 anyos na tricycle driver at residente ng Urbiztondo, Pangasinan, sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code, na may inirerekomendang piyansa na ₱24,000.00.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Malasiqui MPS para sa wastong dokumentasyon.

Samantala, naaresto naman ng Mapandan MPS ang isang 43 anyos na negosyante at residente ng Mapandan, dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, na may kinakailangang piyansa na ₱72,000.00. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng nasabing himpilan.

Inaresto rin ng Calasiao MPS ang isang 29 anyos na lalaking residente ng Calasiao, sa bisa ng Bench Warrant of Arrest para sa kasong Grave Threats sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code, na may inirerekomendang piyansa na ₱6,000.00.

Samantala, isang 75 anyos na negosyante ang inaresto ng Lingayen MPS sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Malicious Mischief, na may nakapirming piyansa na ₱3,000.00, alinsunod sa utos ng korte ng MTC Lingayen.

Ang lahat ng mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon ng korte. Patuloy ang pagsisikap ng Pangasinan PNP sa paghuli sa mga wanted person bilang bahagi ng pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments