Nababahala ang isang health expert sa sunod-sunod na pagluluwag ng pamahalaan sa mga COVID-19 restrictions.
Kabilang dito ang tuluyang pag-aalis ng quarantine restrictions sa mga bakunadong international travelers at pagbababa sa Metro Manila at pito pang lalawigan sa Alert Level 2 simula bukas, Pebrero 1.
Ayon kay Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force Against COVID-19, bagama’t bumaba na sa 20% ang positivity rate sa NCR ay itinuturing pa rin itong “very high”.
Giit pa ni Leachon, kung nais ng gobyerno na magluwag, dapat ay handa rin ang medical safeguard nito para masigurong hindi ulit sisipa ang kaso COVID-19.
“Ang classical example na dire-diretso sa quarantine, yung ‘Poblacion lady’ na pagkagaling sa abroad, of course negative siya, pag-alis, dire-diretso sa isang party sa Poblacion, Makati and then nag-superspreader event, yan ang nag-cause niyan e,” saad ni Leachon.
“Ito, parang legal na way na fully vaccinated individuals, dire-diretso ka na. Dapat may medical safeguard ka dito,” dagdag niya.
Maliban dito, inaasahan din ang pagtaas ng mobility ng mga tao sa ilalim ng Alert Level 2 lalo’t ipagdiriwang ngayong Pebrero ang Chinese New Year, Valentine’s Day at pagsisimula ng campaign period.
“Hindi pa ho tayo ready. In fact ang test kits natin hindi pa libre hindi katulad sa America, sa Singapore na libre na. ang mask natin hindi pa ready. So, ang variant transmission kasi, dapat kontrol mo. Yung ang unang role sa WHO. Ang healthcare capacities mo, in place dapat, ang bakuna mo ready dapat,” paliwanag ng eksperto.
“This decision is basically is… mataas yung risk over the benefit. We should empower ourselves right now to do all the things to protect the people,” aniya pa.