
Hindi pa rin ganap na naapula ang sunog na sumiklab sa Butate Street, Barangay Tejeros, Makati City.
Nagsimula ang sunog bago mag-alas-2:00 ng madaling araw at itinaas sa ikatlong alarma bandang alas-2:51 ng umaga. Dakong alas-4:28 ng madaling araw ay idineklara itong fire under control, subalit patuloy pa rin ang mga bumbero sa pag-apula ng natitirang apoy at paglamig ng lugar.
Sa panayam sa isang residenteng nasunugan, sinabi ni Rein Diosana na mabilis na kumalat ang apoy, dahilan upang mapilitan silang magpapamilya na tumalon sa creek upang makaligtas mula sa nasusunog nilang bahay.
Dumating na rin sa lugar ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng imbestigasyon. Batay sa inisyal na impormasyon, may isang indibidwal umanong nasawi at mayroon pang iniulat na nawawala, na kapwa patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad.










