Sunog sa Manila Post Office, magsilbing ‘wake-up call’ sa pamahalaan; sapat na pangangalaga at kagamitan sa mga national heritage, hiniling ng isang senador

Umapela si Senator Alan Peter Cayetano na magsilbing ‘wake-up call’ sa gobyerno ang pagbibigay proteksyon sa mga national heritage buildings at artifacts matapos ang pagkasunog ng Manila Central Post Office.

Dapat aniyang gamitin ng estado bilang isang ‘learning opportunity’ ang insidente upang mapangalagaan ang mga gusali na may cultural, artistic at historical significance sa bansa upang maiwasan ang mga kahalintulad na trahedya.

Panahon na aniya para magbigay ng sapat na pangangalaga ang gobyerno sa mga pamana ng kasaysayan para maprotektahan ang ating mga national treasures gamit ang modern equipment, surveillance, at strategies.


Umapela rin ang senador na buhusan ng pondo ang mga ahensyang gagawa nito upang matiyak ang preservation ng ating kasaysayan, kultura at pagka-Pilipino.

Sa ikakasang imbestigasyon ng Senate Committee on Culture and the Arts, nais ni Cayetano na tukuyin kung ano ang dahilan sa likod ng sunog, at kung maaari bang pigilan ang mga ganitong pangyayari sa pamamagitan ng mas mahusay na paghahanda at pagtugon.

Facebook Comments